-- Advertisements --

Sa gitna ng patuloy na pag-usbong ng “fandom wars” sa music industry, binigyang-diin ng P-pop supergroup SB19 ang kahalagahan ng respeto, kabaitan, at maayos na diskurso sa pagitan ng mga tagahanga.

Sa isang media conference kasama ang Japanese boy group BE:FIRST, sinabi ng miyembrong si Ken na hindi na nila kontrolado ang mga negatibong komento online, ngunit nanawagan siya ng “spread love” at pag-iwas sa masasakit na salita.

Giit niya, mahalagang isaalang-alang ang epekto ng mga sinasabi dahil maaaring makasakit ang mga ito, at mas magiging maganda ang mundo kung mananaig ang kabaitan.

Ayon naman kay Josh, hinihikayat ng grupo ang kanilang fans na panatilihin ang maayos at makabuluhang diskusyon sa halip na nakikipag-bangayan, at gamitin din daw ang pagkakataon upang mangaral at magpaliwanag nang may respeto.

Samantala, inaasahan ang malakas na suporta ng kanilang fanbase na tinatawag na A’TIN sa nalalapit na “Wakas at Simula” concert ng SB19 sa SMDC Festival Grounds, na magsisilbing pagtatapos ng kanilang tour.

Makakasama rin sa lineup ang BE:FIRST, na nakatrabaho ng SB19 sa kantang “Toyfriend.”