May panibagong tagumpay ang SB19 matapos makapasok ang kanilang collaboration song na “Toyfriend” kasama ang Japanese group na Be:First sa Genius Japan Overall Song Chart.
Nag-debut ang kanta sa ika-4 na puwesto ngayong linggo, na siyang kauna-unahang entry ng SB19 sa naturang chart.
Ayon sa Genius, isa ito sa pinakamalaking platform para sa ”song lyrics and musical knowledge.”
Bukod dito, pumasok din kamakailan ang kanilang kantang “Wakas” sa ika-9 na puwesto ng Billboard World Digital Song Sales Chart.
Ang dalawang kanta ay kabilang sa kanilang pinakabagong album na “Wakas at Simula” na inilabas noong Marso.
Matatandaang nagtanghal ang P-pop group sa Dance Universe Never Killed (DUNK) Showcase sa Japan noong nakaraang buwan, kasama ang iba pang P-pop acts.
Samantala, inaasahang idaraos ng SB19 ang kanilang “Wakas at Simula: The Trilogy Finale” concert sa Abril 18 sa SMDC Festival Grounds. Nakatakda rin silang magtanghal sa Lollapalooza 2026 sa Chicago at Summer Sonic sa Japan ngayong taon.















