-- Advertisements --

Patuloy na lumalawak ang presensya ng mga Pilipinong musikero sa world stage ngayong taong 2026, matapos kumpirmahin ang sunod-sunod na international performances ng ilang OPM at P-pop acts sa malalaking music festival at world tours.

Isa sa mga unang highlight ng taon ay ang paglahok ng SB19, BGYO, at Cup of Joe sa D.U.N.K. Showcase na ginanap sa K-Arena Yokohama sa Japan noong Marso 13–15.

Ayon sa ulat, magkakahiwalay na araw silang nagtanghal ngunit sabay na nagpakita ng lumalakas na impluwensiya ng musikang Pilipino sa Asya.

Samantala, ilulunsad ng P-pop group na 1ST.ONE ang kanilang unang Asia tour na tinawag na “UNA” sa 2026. Magsisimula ito sa Singapore sa Abril 12, at susundan naman ng mga pagtatanghal sa Malaysia, Hong Kong, Taiwan, at Japan.

Isa sa mga makasaysayang proud moment din ngayong taon ang nakatakdang paglahok ng girl group na BINI sa Coachella Valley Music and Arts Festival. Sila ang kauna-unahang all-Filipino girl group na aakyat sa naturang entablado sa Abril 2026.

Bago ang kanilang performance, aktibo na rin silang nagpo-promote sa Los Angeles kabilang ang mga event tulad ng Filipino Heritage Night at NBA game appearances.

Hindi rin pahuhuli ang SB19 na nakatakdang maging kauna-unahang Filipino act na sasabak sa Lollapalooza sa Chicago mula Hulyo 30 hanggang Agosto 2, kung saan makakasama nila ang ilang international artists. Kasama rin sila sa line-up ng Summer Sonic Festival sa Tokyo sa Agosto 15, 2026.

Sa larangan naman ng indie music, nakatakdang magtanghal din sa Lollapalooza ang Filipino-British singer-songwriter na Beabadoobee, na kilala sa kanyang global fanbase.