Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat pa ang suplay ng langis ng bansa sa loob ng humigit-kumulang 45 araw, habang patuloy ang hakbang ng pamahalaan na magdagdagan ang buffer stock upang maiwasan ang kakulangan.
Batay sa datos ng Oil Industry Management Bureau (OIMB), ang kasalukuyang imbentaryo ng produktong petrolyo sa bansa ay ang mga sumusunod:
- Gasolina – 53.14 araw
- Diesel – 45.82 araw
- Kerosene – 97.93 araw
- Jet fuel – 38.62 araw
- Fuel oil – 61.49 araw
- LPG – 23.51 araw
Samantala, sinabi naman ni Energy Undersecretary Alessandro Sales na patuloy na tinututukan ng ahensya ang suplay ng LPG upang matiyak na hindi ito magkukulang.
Upang higit pang mapalakas ang reserba ng langis, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na bibili ang pamahalaan, sa pamamagitan ng Philippine National Oil Company (PNOC), ng isang milyong bariles ng diesel na nagkakahalaga ng P10 billion.
Gayunman, aminado si Garin na ang naturang dami ay katumbas lamang ng halos isang linggong konsumo ng bansa.
Sa kasalukuyan, nasa 400,000 bariles na ang na-secure ng PNOC, habang inaasahan pa ang karagdagang 140,000 bariles bago matapos ang Marso.
Aniya, kukunin ang suplay mula sa iba’t ibang bansa, kabilang dito mula sa Southeast Asia, upang hindi umasa sa iisang pinanggagalingan at matiyak ang tuloy-tuloy na supply.
Binigyang-diin pa ng DOE na mahalaga ang pagbuo ng buffer stock kahit limitado ang kakayahan, dahil makatutulong ito upang masigurong hindi mauubusan ng langis ang bansa sa gitna ng pandaigdigang krisis.
















