Tinanggihan ng Sandiganbayan Fifth Division ang kahilingan ng pitong (7) opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na suspendihin o ibasura ang kanilang mga arrest warrants kaugnay ng umano’y flood control scam sa Oriental Mindoro.
Ayon sa petisyon ng Lim & Yutatco-Sze, kinakatawan ang mga opisyal na sina Gene Ryan Altea, Ruben Santos Jr., Dominic Serrano, Montrexis Tamayo, Juliet Calvo, Dennis Abagon, at Lerma Cayco, na “blatant violation” sa due process ang pagkakafile ng kaso ng Office of the Ombudsman.
Kasama rin sa unang batch ng mga kaso ang dating Ako Bicol Rep. Elizaldy ”Zaldy” Co at ang board of directors ng Sunwest Inc., na umano’y pag-aari ni Co, na may kinalaman sa proyekto ng Mag-asawang Tubig River Flood Control Project na nagkakahalaga ng P289.5 million.
Ang kaso ay may kaugnayan sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) at malversation of public funds through falsification of public documents, base sa findings ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na sinasabing substandard ang ginamit na materyales tulad ng steel sheet piles.
Iginiit ng DPWH officials na ongoing pa ang proyekto at hindi pa dapat tapusin ang konklusyon ng pinsala sa gobyerno. Ngunit nanindigan ang Ombudsman na substandard at hindi kumpleto ang proyekto, at sinang-ayunan ito Sandiganbayan na walang legal merit ang petisyon ng pitong DPWH officials.
Dahil dito, ipatutupad ang arrest warrants laban sa pitong DPWH officials, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla, na inutusan ang mga awtoridad na ipatupad agad-agad ito.
Ayon sa talaan ng “Sumbong sa Pangulo”, kabilang ang Sunwest sa top 15 contractors na nagkamit ng halos P10 billion mula noong Hulyo 7, 2022 hanggang Mayo 2025 para sa flood control projects sa ilalim ng administrasyong Marcos.















