Pinagtibay ngayon ng Sandiganbayan ang kanilang December 2019 decision na nagbabasura sa forfeiture case laban kay dating President Ferdinand Marcos, Sr at ng kanyang pamilya.
Ayon sa Sandiganbayan, ito ay dahil umano sa kakulangan ng ebidensiya.
Sa kanilang desisyon na may petsang July 22 sa Civil Case 0002, sinabi ng anti-graft court na bigo ang Philippine government na patunayan na ang apat na ari-arian na nasa ilalim ng kontrol ng pamilya Marcos ay iligal na nabili.
Kabilang na rito ang Currimao Beach House, na naka-register sa pangalan ni Ferdinand Marcos sa ilalim ng TCT No. T-12494, ang bahay sa Pandacan, Manila na nasa full control at supervision ng mga Marcoses at nakarehistro sa kanilang kamag-anak na si Vicente Romualdez.
Kasama pa rito ang Batac Museum, na nasa ilalim din ng control at supervision ng mga Marcos at ang Batac Guest House, na nasa ilalim din ng control at supervision ng mga Marcos.
Layon ng Civil Case 0002 na inihain ng Office of the Solicitor General laban sa mga Marcos noong 1987 na ma-recover ang kayamanan ng mga Marcos kasama na rito ang 106 properties.
Nabili raw ang mga ito noong nasa puwesto pa ang dating Pangulong Marcos.
Sinasabing hindi raw proportion ang bayad ng mga ari-arian sa kanilang mga sahod at iba pang pinagkakakitaan.
Ipinunto dito ng anti-graft court na base sa compliance pleading ng Philippine government na may petsang April 25, 2022, inamin ng mga itong lahat ng mga material at relevant documents at ilang pirasong mga ebidensiya sa naturang kaso ay naiprisinta na raw lahat sa isinagawang mga trial.