-- Advertisements --

Pinagtibay ng Sandiganbayan Fifth Division ang desisyon nitong ipawalang-bisa ang pasaporte ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co at ideklara siyang pugante.

Ito ay matapos ibasura ng anti-graft court, sa desisyon noong Enero 8, ang urgent motion for reconsideration ni Co kaugnay ng resolusyon noong Disyembre 10, 2025, dahil sa kawalan ng sapat na batayan.

Binigyang-diin ng korte na ang pag-iwas ng isang akusado sa hurisdiksiyon ay itinuturing na pagtalikod sa karapatang humingi ng judicial relief, alinsunod sa Rules of Court at umiiral na jurisprudence.

Kasalukuyan ngang nahaharap si Co sa dalawang bilang ng kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y ₱289-milyong substandard road dike project sa Oriental Mindoro.

Matatandaan, nauna ng sinabi ni DILG Sec. Jonvic Remulla na suspetsa nila ay nasa Europa si Co partikular na sa Portugal at mayroon din aniyang impormasyon na may hawak na Portuguese passport ang dating mambabatas na nakuha niya ilang taon na ang nakalilipas.