-- Advertisements --

Naglabas ng video si dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co kung saan mariin niyang sinabi: “Sana po ay hindi nila ako mapatay bago ko mailabas ang lahat.”

Sa naturang clip na may nakalagay pang Part 1, na ipinalabas sa pamamagitan ng kaniyang dating staff sa House of Representatives, binigyang-diin ni Co na hindi na siya mananahimik at sisimulan na niyang ilantad ang umano’y katotohanan sa likod ng ilang pangyayari sa pamahalaan.

Tumagal ng halos anim na minuto ang video at ayon kay Co at posibleng may kasunod pa.

“Hindi na ako mananahimik, ilalabas ko ang katotohanan,” ani Co, na tila nagbabadya ng serye ng mga rebelasyon.

Si Zaldy Co ay nagsilbi bilang kinatawan ng Ako Bicol party-list sa Kamara at naging bahagi ng ilang mahahalagang komite, kabilang ang Committee on Appropriations.

Kilala siya sa pagiging malapit sa ilang lider ng Kongreso at sa pagtutok sa mga proyektong pang-imprastruktura at regional projects.

Ang kaniyang video ay lumabas sa gitna ng mga usapin hinggil sa pamamahala ng pondo ng gobyerno at mga alegasyon ng katiwalian sa ilang ahensya.

Nakaladkad sa mga alegasyon ni Co sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Speaker Martin Romualdez na umano’y nag-utos sa kaniya para proseso ng budget.

Dahil dito, inaasahang magiging sentro ng diskusyon ang kaniyang mga susunod pang pahayag.