-- Advertisements --

Ipinakita sa pagdinig ng House Committee on Justice ang mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Vice Preisdent Sara Duterte kung saan lumitaw na wala siyang idineklarang petty cash o bank deposits mula 2019 hanggang 2024, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kanyang net worth.

Ayon sa mga dokumentong ipinakita sa komite, nagkaroon pa ng liquid assets si Sara Duterte noong mga nakaraang taon kabilang ang milyun-milyong pisong cash at deposits mula 2007 hanggang 2018 ngunit bigla umano itong nawala sa kanyang mga deklarasyon simula 2019.

Sa pagdinig, tinanong ni Manila Rep. Joel Chua si Ombudsman lawyer Karen Batu kung posible bang walang kahit isang pisong cash na idineklara ang bise presidente mula 2019 hanggang 2024.

Ayon sa mga mambabatas, kabilang si Bicol Saro Rep. Terry Ridon, may tinatawag umanong “P50 million gap” sa kita ni VP Sara mula nang pumasok ito sa gobyerno noong 2007.

Sinabi rin ni Mamamayang Liberal Party-List Rep. Leila de Lima na nakababahala ang biglaang kawalan ng liquid assets sa mga sumunod na SALN, at posibleng makaapekto ito sa kredibilidad ng mga financial disclosure ng bise presidente.

Ayon sa tala, ang net worth ni Sara Duterte ay tumaas mula P7.2 milyon noong 2007 hanggang P88.5 milyon noong 2024, na dumaan sa ilang pagtaas at pagbaba sa mga nakalipas na taon habang siya ay nasa iba’t ibang posisyon sa gobyerno.

Samantala, hindi agad nagbigay ng pahayag ang kampo ni VP Duterte. Ayon sa kanyang tagapagsalita na si Atty. Michael Poa, wala pa silang mabibigay na official statement.