-- Advertisements --

Itinanggi ng defense team ni Vice President Sara Duterte na nag-walk out ang kanilang lead counsel na si Atty. Sheila Sison habang sinasagot ng prosecution ang tanong ni Senator-Judge Risa Hontiveros sa ikalawang araw ng impeachment trial nitong Martes, Hulyo 7.

Naganap ito habang sinasagot ni private prosecutor Atty. Amando Ligutan ang tanong ni Hontiveros kung maituturing na impeachable offense ba ang umano’y grave threats ni Vice President Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at daating House Speaker at Leyte First District Representative Martin Romualdez.

Sa gitna ng sagot ni Ligutan, binanggit nito na umano’y gumagawa ng eksena si Atty. Sison matapos nitong mapansin na lumabas ang abogado sa session hall.

Agad namang bumalik si Atty. Sison matapos siyang masita ni Ligutan.

Sa isang pulong balitaan, nilinaw ni defense spokesperson Atty. Michael Poa na hindi nag-walk out si Sison kundi nagpunta lamang sa banyo.

Ayon kay Poa, normal lamang ang paglabas sandali sa isang mahabang pagdinig at sinabi niyang maging siya ay ilang beses ding lumabas sa naturang paglilitis.

Dagdag pa niya, bumalik agad si Sison nang marinig ang kanyan pangalan na siya ay nag-walk out at ipinaliwanag na kailangan lamang niyang mag-toilet break.