Inamin ng hostile witness na si Office of the Vice President (OVP) special disbursing officer (SDO) Gina Acosta na hindi na niya maalala ang alokasyon para sa confidential fund sa Davao City noong alkalde pa si Vice President Sara Duterte mula 2019 hanggang 2022 na nagkakahalaga ng P140 million bawat taon o halos P2 billion sa kabuuan.
Ginawa ni Acosta ang pahayag matapos tanungin ng counsel for prosecution na si Atty. Amando Ligutan kaugnay ng alokasyon para sa confidential funds sa Davao sa ika-17 araw ng impeachment trial ni VP Sara ngayong Lunes, Agosto 24.
Matatandaang si Acosta ay nagsilbing SDO para sa confidential funds ni Duterte noong siya ay alkalde ng Davao mula 2019 hanggang 2022.
Sa direct examination, tinanong ni Atty. Ligutan si Acosta kung nakatanggap ang Davao City ng P460 milyong confidential funds noong 2019.
Sagot naman ni Acosta: ” Hindi ko maalala.”
Nang tanungin kung magkano ang in-allocate sa Davao City, iginiit ni Acosta na hindi na niya maalala dahil matagal na ang naturang alokasyon at dahl na rin sa kaniyang edad.
Iprinisenta rin ni Ligutan ang isang graphic na nagpapakitang nakatanggap ang Davao City ng P460 million na confidential funds kada taon mula 2019 hanggang 2022.
Muli namang sinabi ni Acosta na hindi na niya maaalala nang tanungin ni Ligutan kung nakatanggap nga ang lungsod ng panibagong P460 million noong 2022, apat na taon lamang ang nakalilipas bago mahalal bilang bise presidente si Duterte at mailipat si Acosta sa OVP.
Ang direct examination sa hostile witness ay parte pa rin ng pagdinig sa misused confidential funds ng OVP at DepEd sa ilalim ni VP Sara, alegasyong nauna naman nang itinanggi ng kampo ng depensa.
















