-- Advertisements --

Lumutang ang mga panibagong kakaibang pangalan na hawig sa hayop na nakatanggap umano ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) sa ika-17 araw ng impeachment trial.

Sa direct examination ng prosecution counsel na si Atty. Amando Ligutan, unang tinanong niya ang hostile witness na si Gina Acosta kung nasaksihan niya mismo na ibinigay ng dating security chief ni Duterte na si Col. Raymund Dante Lachica ang tig-P100,000 mula sa confidential funds sa mga recipient na “Antonio Pagong” at “Timon Andrew Pusa.”

Sagot ni Acosta: ” Hindi ko siya nakita, your honor, kasi wala po ako doon sa grounds. Siya po ang nag-implement.”

Ipinakita rin ng prosekusyon ang acknowledgement receipts ng isang “Don Piang” na nakatanggao ng P250,000 at “May Pamana” na tumanggap naman ng P150,000.

Nakasaulat din sa isang resibo ang pangalang “Shane Ngitngit” na nakatanggap umano ng P150,000 mula kay Col. Lachica.

Inihayag ni Ligutan na ang salitang “ngitngit” sa Bisaya ay nangangahulugang “madilim.” Iniugnay niya ito sa nauna nang inilabas na resibo na may kahina-hinalang pangalan na “Andy Lim.”

Isa pang Xuniso P. Belat ang nakatanggap ng P100,000.

Nang tanungin ang testigo kaugnay ng mga transaksiyon na ito, palaging sagot niya ay hindi niya nakita ang pagbigay ni Col. Lachica sa mga recipient at dumipende lamang siya sa mga dokumentong isinumite ni Lachica dahil siya ang nag-implementa ng confidential funds.