Iprinisenta sa ika-16 na araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang kauna-unahang hostile witness na si Gina Acosta.
Sa presentasyon ng counsel for prosecution na si Atty. Amando Ligutan, ipinakilala si Acosta na kasalukuyang nanunungkulan bilang Vice Presidential Staff Officer VI ng Office of the Vice President (OVP).
Nagsilbi ring dating Special Disbursing Officer o SDO ng OVP noong 2022 at 2023. Liban dito, nanungkulan din si Acosta bilang SDO para sa Confidential Funds noon ni Duterte noong alkalde pa siya ng Davao City mula 2019 hanggang 2022.
Naging staff member din umano si Acosta sa Davao City Administrator’s Office sa pagitan ng mga taong 2016 at 2022 at ng Davao City Budget Office sa panunungkulan noon ni Mayor Sara Duterte.
Binanggit din ni Atty. Ligutan sa offer of testimony, na sa huling quarter o huling tatlong buwan ng 2022, ginastos umano ng OVP ang halagang P125 milyon na confidential funds sa loob ng 11 araw sa ilalim ng pamamahala at pangangasiwa ng Bise Presidente nang walang wastong liquidation, nang hindi kumpleto o walang sapat na mga dokumento na nagpapatunay sa pagbabayad.
Gayundin, inatasan umano ng Bise Presidente ang witness na i-encash ang kabuuang halaga ng P500 milyon na confidential funds noong December 20, 2022, February 6, April 25 at July 14, 2023.
Binanggit din na lahat ng confidential funds na inilaan sa OVP ay na-withdraw in cash na nagkakahalaga ng P500 milyon noong Dec. 20, 2022, Feb. 6, April 25 at July 14, 2023 at nagamit o nagastos ito lahat.
Inutusan din umano ng Bise Presidente ang witness na ibigay ang kabuuang P500 milyon “in cold cash” sa security officer ng OVP na si Col. (Raymund Dante) Lachica, na hindi isang accountable officer – isang paglabag sa Joint Circular No. 2025-01.
Nakasaad din na ang ginawang disbursements ng confidetnial funds sa ilalim ng OVP ay maraming bahid o namumutakti sa pagsuway at paglabag sa Joint Circular.
Bigo rin umano ang Bise Presidente na ma-liquidate ang kabuuang halaga na P500 milyon alinsunod sa demand o kahilingan ng Joint Circular.
Dahil dito, maituturing na ginastos umano ng respondent sa pansariling gamit at kapakinabangan ang P500 milyon na confidential funds o kalahating bilyong piso ng OVP.
Sinabi rin ni Atty. Ligutan na tutukuyin ng witness ang mga dokumentong may kaugnayan sa mga alegasyong nakasaad sa Articles of Impeachment.
Tinanggap naman ni Defense Counsel Atty. Lindon Bacquel ang alok na testimoniya ni Atty. Ligutan ngunit mariing tumutol kaugnay ng testimoniya sa confidential funds sa Davao City at pagiging SDO ni Gina Acosta sa lungsod noong alkalde pa roon si VP Sara dahil ito ay “irrelevant.”
Ayon sa depensa, hindi kasama ang isyu ng confidential funds sa Davao City sa mga paratang sa Articles of Impeachment laban kay VP Sara.
Giit naman ni Atty. Ligutan na “very much relevant” o napakahalaga ng naturang usapin. Ipinaliwanag ni Ligutan na ang naging karanasan ni Acosta bilang SDO sa Davao City ang dahilan kung bakit siya dinala ni VP Sara sa OVP upang gawin muli ang parehong sistema sa pondo ng naturang tanggapan.
Samantala, nagpasya naman si Trial Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na pahintulutan ang pagtatanong sa naturang usapin upang makita kung may “pattern of behavior” ang testigo at ang bise presidente.
Subalit nilinaw ni Escudero na anuman ang sabihin ng hostile witness tungkol sa mga nangyari sa Davao City ay hindi bahagi ng mismong kaso at hindi idaragdag sa mga kasalukuyang sakdal laban kay VP Sara.
















