-- Advertisements --

Nag-iwan ng maikling mensahe si Zuleika Lopez, chief of staff ni Vice President Sara Duterte, bago umalis sa Senado nitong Huwebes.

Ayon kay Lopez, ”Prepare for Typhoon Inday,” bago siya umalis matapos makipagpulong kay Senate Secretray Renato Bantug Jr. Hindi na siya sumagot sa iba pang tanong ng media.

Bagama’t may bagyong “Inday” na kasalukuyang mino-monitor sa loob ng Philippine Area of Responsibility, “Inday” rin ang bansag ng ilang tagasuporta sa Bise Presidente.

Samantala, nilinaw ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. na ang pagbisita ni Lopez sa Senado ay para lamang sa mga usaping administratibo kaugnay ng isasagawang impeachment trial.

Nagtanong daw kasi si Lopez kung ilang panauhin ng defense poanel ang maaaring makapasok sa session hall at kung maaari bang magdala ng sariling media team ang Office of the Vice President (OVP).

Gayunpaman, sinabi ni Bantug na hindi pinapayagan ang sariling media coverage ng magkabilang panig at sapat ang inilaan na media access ng Senado.

Kasabay nito, pormal nang naglabas ang Impeachment Court ng subpoena ad testificandum laban kay Lopez upang humarap at tumestigo sa impeachment trial ni VP Sara.

Ang subpoena, na nilagdaan ni Senate Presiding Officer Senator Francis “Chiz” Escudero, ay natanggap na ng Central Records Unit ng OVP.

Inaatasan si Lopez na dumalo sa Senado sa Hulyo 13 at 14 upang magbigay ng testimonya kaugnay ng mga usaping nakapaloob sa impeachment case na isinampa ng Mababang Kapulungan.

Nauna nang hiniling ng House prosecution panel ang pagpapatawag kay Lopez kaugnay ng umano’y banta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.