Umabot na sa higit 10,000 illegal online gambling sites ang matagumpay na naipa-takedown ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center sa kasalukuyan.
Ayon sa acting executive director nito na si Atty. Renato ‘Aboy’ Paraiso, patuloy pa rin aniya ang kanilang pagmo-monitor at posibleng mas madagdagan pa ang bilang ng mga ito.
Kasunod ang naturang pahayag matapos ang isinagawang pulong balitaan kung saa’y kanilang ibinahagi ang nadiskubreng 1,610 gambling sites na di’ umano legal ang operasyon.
Natukoy na ang 1,007 sa mga ito ay walang lisensya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR.
Habang 146 namang gambling sites na natukoy ay napag-alamang gamit para sa Online Sabong na maaalalang ban na sa bansa.
Kaya’t binigyang diin ni Atty. Aboy Paraiso na hindi lamang aniya whole of government approach ito kundi kasama pati ang civil society upang labanan ang illegal online gambling sites.
Ikinatuwa naman ng naturang opisyal na sa kabila ng mga social media influencers na nag-eendorso ng ilegal na online sugal, ay meron pa ring nagpahayag ng kanilang pagsuporta sa ahensya.
Isa na rito ay ang social media influencer na si Sachzna Laparan na aminadong ‘lesson learned’ sa kanya sapagkat marami aniyang naiimpluwensyahang maglaro ng sugal online.
Kaya’t hinimok niya ang publiko huwag agaran papadala sa mga nakikita online at tanging sa lisensyado o legal websites lamang magtungo upang maglaro.
Sa kabila nito’y kanya pang inamin na ang impluwensyang dulot nila sa publiko ay hindi nakabubuti para sa lahat sapagkat ang ila’y nalululong sa sugal.
Kaya’t panawagan niya sa kapwa social media influencers na makipagtulungan na lamang rin sa ahensya upang malaban ang illegal online gambling sites.
Sa kasalukuyan higit 100 influencers ang binabantayan ng ahensya na patuloy nag-eendorsong magsugal online sa mga illegal sites.
Sakaling hindi nila ito itigil, ayon kay Atty. Paraiso posible nilang kaharapin ang kasong estafa, syndicated o large scale sapagkat kabilang aniya sila sa may pananagutan.