CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang magsasaka nang kagatin ng king cobra (banakon) sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Juan Dela Cruz, 57, may asawa, rubber tapper at residente ng Purok 5, Barangay Basak, Magpet, Cotabato.

Ayon ulat ng Magpet PNP, maagang umuwi ang biktima sa kanyang tahanan galing sa isang rubber farm at sinabi nito sa kanyang asawa na kinagat umano siya ng king cobra sa paa.

Hindi na naisugod sa pagamutan ang biktima dahil makalipas ang isang oras ay binawian ito ng buhay nang makagat ng makamandag na ahas.

Halos buwan-buwan ay may nahuhuli o napatay na banakon ng mga magsasaka sa mabundok na bahagi sa paanan ng Mount Apo.

Ilang residente na rin sa probinsya ng Cotabato ang nasawi pagkatapos makagat ng king cobra.