Pinabulaanan ni Presidential Spokesman Harry Roque sa pahayag ni Philippine Red Cross chairman at Sen. Richard Gordon na nangingialam siya sa usapin o sa isyu sa pagitan ng Red Cross at ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sinabi ni Sec. Roque, hindi siya nanghihimasok sa issue ng PhilHealth at ng Philippine Red Cross pero nagsasalita siya sa ngalan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Sec. Roque, ang mportante kay Pangulong Duterte ay testing dahil bahagi ito ng estratehiya ng gobyerno laban sa COVID-19.

Inihayag pa ni Sec. Roque na interesado rin siya sa usapin dahil isa siya sa mga nagsulong ng Universal Healthcare Law noong 17th Congress at nais niyang matiyak na ginagawa ng Philhealth ang kanilang mandato sa batas.

Magugunitang una nang itinigil ng PRC ang pagsasagawa ng RT-PCR test dahil sa pagkakautang ng PhilHealth na ang kalahati ay nabayaran na kahapon.