Iginiit ni dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez na handa siyang isiwalat ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) kung kakailanganin ito ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon sa maanomalyang flood-control projects.
Itinanggi rin ni Romualdez ang mga alegasyong may naghahatid umano ng male-maletang pera sa kanyang bahay, kasabay ng pagdidiin na wala siyang itinatago at handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon.
Ito ang unang pagkakataon na humarap si Romualdez sa pagdinig ng ICI kaugnay ng mga kwestyonableng proyekto ng flood control.
Samantala, ayon naman kay ICI spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka, ang pagharap ni Romualdez ay malaking hakbang para malinawan ang papel ng mga mambabatas sa pagbuo ng pondo para sa mga naturang proyekto. Dagdag pa ni Hosaka, may ilang pangalan ang nabanggit ni Romualdez na posibleng imbitahan din ng komisyon sa mga susunod na pagdinig.
Nilinaw rin ni Hosaka na itinanggi ni Romualdez ang anumang kaugnayan sa mga alegasyong lumabas sa mga naunang pagdinig sa Senado at Kamara. Bukod dito, boluntaryo rin umanong nagsumite si Romualdez ng affidavit sa komisyon na kasalukuyan pang kanilang sinusuri, kaya inaasahang muling ipatatawag siya sa mga susunod na pagdinig.