-- Advertisements --

Dalawang araw matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, naghayag din ng kanyang ulat sa bayan si Vice President Leni Robredo, na sumentro naman sa kasalukuyang estado ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Iniulat din ni Robredo ang ilang rekomendasyon na kanyang nabuo. Resulta ng ginawang konsultasyon ng kanyang tanggapan sa iba’t-ibang eksperto at komunidad na pinaka-naapektuhan ng health crisis.

Ayon sa bise presidente, hindi naging hadlang ang limitadong pondo at mandato ng kanyang opisina para maipaabot din ang kinakailangang tulong sa publiko.

“Hindi mapipigil ang pandemya kung basta mag-aabang na lang tayo ng bakuna. Kailangang maampat ang pagkalat nito sa lalong madaling panahon. Nagsisimula ang lahat sa tamang datos, na pundasyon ng tamang desisyon,” ani Robredo.

Sumentro sa health system, pangangalap ng datos sa COVID-19, testing, at mga local stranded individuals ang ulat ni VP Leni.

“Kung mali at buhol-buhol ang pag-input ng data, babagal ang validation; babagal din ang proseso ng decision-making.”

“Maraming gustong tumulong, pero may mga pagkukulang sa volunteer management process.”

May mga rekomendasyon ang bise presidente sa sektor ng ekonomiya, agrikultura at edukasyon. Pati na sa planong pagbabalik ng Special Administration Program.

“Pandemya ang ugat ng mga suliranin; kapag mabisa itong matugunan, matutugunan din ang iba pang hamon. Marami ang namamatay, at hindi sila statistics lang.”

“Maraming mga LGU ang namroblema dahil kulang ang binigay sa kanilang slots. Kailangang gawing mas sistematiko ito; linisin ang government data, at patalasin ang isang central database para sa poverty statistics.”

Sa huli binigyang diin ni Robredo na kaya naman ng bansa na maabot ang tagumpay ng ibang estado laban sa sakit, basta’t itutuon ng gobyerno sa mga dapat munang tugunan ang hawak na mga resources at kaalaman.

“Hindi inutil ang Pilipino, kundi may tapang at talino na humarap sa anumang hamon. Hindi talunan ang Pilipino. At tiyak na magtatagumpay tayo laban sa pandemyang ito. Uulitin ko: Kinaya na natin ang marami pang ibang hamon, at kakayanin natin ito.”