Pinag-aaralan ng House prosecution panel na ipatawag bilang hostile witness si Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, sa impeachment trial ng Bise Presidente.
Ayon kay House Prosecutor Rep. Terry Ridon, maaaring maging relevant ang testimonya ni Carpio sa Article II o alegasyon ng unexplained wealth, lalo na kung lumitaw ang pangalan niya sa mga bank account o dokumentong may kaugnayan sa kaso.
Gayunman, nilinaw ni Ridon na hindi pa kasama si Carpio sa kasalukuyang listahan ng mga testigo at nasa maagang yugto pa lamang ng pag-uusap ng prosecution panel ang posibilidad na ipatawag siya.
Samantala, kabilang sa unang tatlong testigo para sa Article II sina retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-tang, Ombudsman Records Division oic atty. Karen Batu, at SEC official Atty. Gerardo del Rosario.
Magsisimula sa Setyembre 14 ang paglalahad ng Prosecution ng ebidensya sa Article II , na nakatuon sa alegasyon ng unexplained wealth, kabilang ang mga bank, tax, corporate at iba pang financial records na may kaugnayan kay Duterte at Carpio.
















