Naniniwala ang batikang trial lawyer na si Atty. Howard Calleja na may kapangyarihan at kakayahan ang Senate Impeachment Court na pagdesisyunan ang pagpapaharap kay VP Sara Duterte sa korte.
Ito ay kasunod ng kahilingan ng House Prosecution panel sa naturang korte na padalhan ang pangalawang pangulo ng subpoena upang pilitin siyang dumalo sa trial at tumayo sa witness stand.
Ayon kay Atty. Calleja, may kapangyarihan ang korte na pilitin ang pangalawang na humarap sa paglilitis, salig sa itinatakda ng batas, upang sumagot sa ilang katanungan.
Bagaman may karapatan din ang pangalawang pangulo na tumangging tumestigo laban sa kaniyang sarili, tulad ng itinatakda ng batas, hindi umano maaaring i-invoke ng pangalawang pangulo ang kaniyang karapatan laban sa self-incrimination kung hindi pa siya humaharap sa impeachment court.
Katwiran pa ni Calleja, bagaman ang constitutional protection laban sa self-incrimination ay kadalasang nagagamit sa criminal cases, ang impeachment trial ay isang hiwalay at kaibang legal process.
Sa ilalim nito ay may kapangyarihan aniya ang impeachment court na maglatag o bumuo ng sarili nitong rules nang hindi lumalabas sa batas.
Kabilang dito ang panuntunan ukol sa posibilidad ng pagpapadalo sa nililitis na impeachable official.
















