-- Advertisements --

Umakyat sa 6 porsyento ang unemployment rate sa bansa noong Hulyo 2026, batay sa huling tala ng Philippine Statistics Authority o PSA.

Katumbas ito ng tinatayang 3.14 milyong Pilipinong walang trabaho, mas mataas kumpara sa 2.59 milyon noong Hulyo 2025 at 2.41 milyon noong Abril ngayong taon.

Samantala, umabot sa 49.21 milyon ang bilang ng mga may trabaho, habang nasa 12.9 porsyento ang underemployment rate, o mga nagtatrabaho pero naghahanap pa ng dagdag na oras para magtrabaho.

Pinakamataas naman ang unemployment rate sa National Capital Region sa 8.2 porsyento, sinundan ng Bicol Region sa 8 porsyento.

Batay ito sa July 2026 Labor Force Survey ng PSA na inilabas ngayong Martes, Setyembre 8.