Itinanggi ni Health Sec. Francisco Duque III ang kumakalat na ulat tungkol sa pagpapalit umano niya sa direktor ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa gitna ng akusasyong VIP testing ng coronavirus disease (COVID-19).
Nilinaw ni Duque na si Dr. Celia Carlos pa rin ang direktor ng tanggapan, at hindi si Asec. Ernesto Santiago na itinalaga lang bilang overseer ng accredited testing facilities.
Ayon sa kalihim, naitama na nila ang pagkakamali sa inilabas na department order ng appointment kay Santiago.
“The RITM has been placed under the supervision of Assistant Secretary Nestor F. Santiago of the Public Health Services Team, to allow Dir. Carlos with her technical expertise, to focus on optimizing RITM functions,” nakasaad sa DOH statement.
Paliwanag ng Health secretary, masyadong manipis ang mga tao sa RITM kaya kailangan daw ni Dr. Carlos na katuwang sa paghahawak ng COVID-19 testing.
“Meanwhile, Asec. Santiago shall guide and manage the expansion of testing capacity to public and private laboratories, and attend to coordination with other agencies.”
Isa ang RITM sa pitong sub-national laboratory ng DOH kung saan maaaring magpa-test sa sakit ang publiko.
NItong nakalipas na linggo nang lumutang ang mga impormasyon na may VIP treatment sa testing ng RITM kung saan ilang matataas na pulitiko umano ang inuuna sa pag-test kahit labag sa inilabas na guidelines ng DOH.
Sa ilalim kasi ng panuntunan, ang mga inirerekomenda lang na magpasailalim sa test ay yung nakakaranas ng sintomas matapos magkaroon ng exposure sa isang positivecase o travel history sa lugar na may naitalang kaso ng sakit.