Tiniyak ni Agriculture Sec. William Dar na mararamdaman sa mga susunod na araw ang pagbaba sa presyo ng bigas sa mga palengke.
Kasunod ito ng direktiba sa National Food Authority (NFA) na ilabas ang lahat ng stock na bigas sa mga bodega para maibenta sa mga palengke sa buong bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Sec. Dar na ibebenta ng NFA ang kanilang bigas sa halagang P25 kada kilo sa mga rice dealer at ibebenta naman ng rice dealer sa P27 kada kilo sa palengke.
Ayon kay Sec. Dar, sa pamamagitan nito, mapipilitan ang mga rice dealer na babaan ang presyo ng kanilang commercial rice na nasa P34 kada kilo hanggang mahigit P40.
Kasabay nito, muling pinabulaanan ni Sec. Dar ang napabalitang bentahan ng palay na nasa P7 hanggang P8 lamang kada kilo.
Inihayag ni Sec. Dar na wala itong katotohanan batay sa report ng kanilang local offices sa mga lalawigan.