-- Advertisements --

Hinimok ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda ang pamahalaan na luwagan ang proseso sa pag-aangkat ng bigas at tiyakin ang kasunduang sa ibang bansa ukol dito upang sa gayon maiwasan ang kakulangan sa supply ng bigas sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Mahalaga aniya ang mga hakbang na ito sapagkat walang katiyakan aniya kung makakapag-angkat ng bigas ang Pilipinas mula sa Vietnam at Thailand.

Kamkailan lang ay pansamantalang ipinagbawal ng Vietnam, na siyang pinakamalaking exporter ng bigas sa buong mundo, ang pag-export ng bigas upang sa gayon matiyak naman nila na mayroon silang sapat na domestic supply sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ang Thailand naman ay napilitang babaan ang kanilang exports sa 8 million metric tons mula sa dating 10 million metric tons dahil sa tagtuyot.

“Secure commitments for adequate supply from supplier countries such as Vietnam and Thailand, while also sustaining support for local production through programs such as the Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) and the National Rice Program,” ani Salceda.

“Relax rules and regulations on rice importation. Consolidate small import orders through the Philippine International Trading Corporation (PITC),” dagdag pa nito.

Samantala, binigyan diin naman ni Salceda na dapat matiyak ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na hindi magkaroon nang aberya sa movement ng rice supplies, gayundin ang iba pang materyales at kagamitan na kakailanganin sa rice production.

Mainam din aniya kung mabigyan ng permits para magamit sa enhanced community quarantine ang mga nagtatrabaho sa rice supply chains tulad ng mga magsasaka at nagde-deliver ng bigas sa mga warehouses.

Ito ay matapos na harangin aniya kamakailan sa quarantine checkpoints ang ilang trucks na magde-deliver sana ng bigas sa warehouse ng National Food Authrotiy sa Malolos, Bulacan.