LAOAG CITY – Iikot ang replica ng Jesus Nazareno sa iba’t ibang barangay dito sa lungsod ng Laoag mamayang hapon.
Ito ay bilang bahagi ng taunang pagdiriwang ng kapistahan ni Jesus Nazareno ngayong araw, Enero 9.
Ayon kay Ginang Minda Jacinto, may-ari ng replica ng Jesus Nazareno ng Barangay Santa Joaquina dito sa lungsod ng Laoag, ang replica ng Jesus Nazareno ay iikot mula sa ipinatayong Chapel sa kanilang tahanan at ito ay lalabas sa kahabaan ng P. Gomez Street, patungo sa kahabaan ng Bacarra Road, dadaan sa Provincial Capitol hanggang makabalik ito sa kanilang bahay.
Daan-daang deboto aniya ang inaasahang lalahok sa naturang aktibidad habang ang iba ay manggagaling pa sa ibang lugar tulad sa Isabela, Cagayan at Cavite.
Paliwanag niya, naniniwala siyang maraming milagro ang nangyari tulad ng pagdanak ng dugo sa mukha ng replika ng Jesus Nazareno, pagkasunog ng buhok at damit at pagnanakaw ng replika ngunit ito ay natagpuan sa Bulacan.
Malakas daw ang pananampalataya niya na dahil kay Jesus Nazareno ay gumaling siya sa kanyang cancer at huminto sa kanyang dialysis.
Binigyang-diin niya na bukas ito sa lahat para sa mga nais lumahok sa prusisyon anuman ang kanilang relihiyon.
Kaugnay nito, sinabi ni Retired Police Officer Rudy Ventura na nakipag-ugnayan na sila kay Mayor James Bryan Alcid at sa Laoag City Police Station – Traffic Division para gabayan ang mga dumalo na deboto.
Samantala, nabatid na ito na ang ika-15 taon na isinasagawa ang prusisyon ng replica tuwing sasapit ang kapistahan ni Jesus Nazareno.
















