-- Advertisements --

Sisimulan na raw ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pag-plantsa sa repatriation ng mga overseas Filipino workers sa Hong Kong na tinanggalan ng trabaho dahil sa pagkalat ng novel coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Foreign Affairs Sec. Teddy Locsin Jr., agad nilang ipapahanda sa gobyerno ang mga hakbang para mapauwi na ng Pilipinas ang ilang Pinoy workers na naapektuhan ang trabaho dahil sa sakit.

Dismayado ang kalihim sa naging tugon ng ilang employers, lalo na’t mismong pamahalaan pa raw ng Hong Kong ang nakiusap na pabalikin noon ang mga OFW na nagbakasyon sa bansa.

“We’ll prepare for their repatriation pronto. Deeply disgusted with HK wch begged us to let domestic workers return to work,” ani Locsin sa isang Twitter post.

Nakiusap na raw ang Foreign Affairs chief sa ambassador ng China na bigyan ng proteksyon ang mga Pinoy habang hindi pa sila naiuuwi ng Pilipinas.

“I extracted promise from Chinese ambassador that they’d be given same protection from COVID-19 as HK residents. I shoulda specified “from Hongkongers.”

Lumabas sa ulat ng isang pahayagan sa China kamakailan na nag-reklamo ang isang grupo ng domestic workers dahil nire-require sila ng kanilang mga amo na mag-self isolate sa mga boarding house.

Ayon sa grupong HELP for Domestic Workers, paglabag ang utos ng kanilang mga amo sa panutunang mandatory live-in sa mga kasambahay.

May isang 46-anyos din umanong Pinay worker ang sinibak ng kanyang amo makaraang dumalo sa isang misa sa siyudad.

Una ng sinabi ng Inter-Agency Task Force na paguusapan pa nila ang repatriation sa lahat ng Pinoy na nagta-trabaho sa Hong Kong at Macau dahil sa umiiral na travel ban doon.