LEGAZPI CITY – Ibinunyag ni dating ACTS OFW Party-list Rep. John Bertiz na maraming kaso pa rin ng pang-aabuso sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang naitatala sa Kuwait sa kabila ng pinirmahang kasunduan sa pagitan ng Kuwait at Pilipinas noong Mayo 2018.
Kasunod ito ng pagsulong ng deployment ban sa mga domestic helpers (DH) patungong Kuwait matapos ang pagkamatay ng OFW na si Jeanalyn Villavende dahil sa pangmamaltrato ng among babae.
Sinabi ni Bertiz sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ipinagtataka lamang nito kung bakit mistulang walang nakakarating sa Malakanyang.
Pagbabahagi pa nitong marami ring nananatili sa Bahay Kalinga matapos na ma-rescue sa kamay ng mapang-abusong employers.
Pinuna rin nito ang kawalan ng joint committee councils na mangangalaga sa karapatan ng mga Pinoy laban sa sobrang oras ng trabaho, mapang-abusong amo at sapilitang pagkuha ng mga pasaporte na kabilang sa mga probisyon sa naturang kasunduan.
Apela pa ni Bertiz sa labor at foreign affairs officials ng bansa na repasuhin ang memoradum of agreement (MOA) kung maayos na naipapatupad at maghanap ng alternatibong trabaho para sa mga biktimang OFWs.