Binigyang-diin ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay Second District Representative Joey Salceda na bigas ang dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno sa ngayon upang mapahupa ang inflation sa bansa.
Pahayag ito ni Salceda matapos iulat ng Philippine Statistics Authority na sumipa sa 3.4 percent ang headline inflation rate nuong buwan ng Pebrero na mas mataas kumpara sa 2.8 percent noong Enero.
Sinabi ni Salceda, kung titingnan ay bumaba na ang presyo ng gulay, mais, asukal at utility bills habang ang inflation sa bigas ay tumaas sa 23.7 percent year-on-year.
Hindi umano solusyon sa ngayon ang pag-angkat ng mas marami lalo’t ang unang panahon ng anihan sa taong 2024 ay darating na sa Abril.
Ayon sa ekonomistang mambabatas dapat tiyakin ng Department of Agriculture na handa na ang post-harvest support ngayong buwan dahil nasa 12 hanggang 15 percent ang naitalang lugi rito.
Giit pa ni Salceda na “crucial” aniya ang susunod na tatlumpung araw kaya kailangan din na siguruhing matutugunan na ang logistics issues sa mga pantalan, farm-to-market roads at iba pang balakid sa suplay.
Naniniwala naman ang kongresista pagsapit ng Hunyo ay magiging stable na ang presyo ng bigas dahil posibleng humupa na ang “political pressure” ukol sa rice export ban sa India.