-- Advertisements --

Iginiit ni Batangas Rep. Gerville Luistro na magpapatuloy ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte matapos hindi maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema. Ayon sa kanya, walang legal na hadlang para ituloy ang mga pagdinig ng House Committee on Justice.

Binigyang-diin ni Luistro na ang proseso ay sumusunod sa Konstitusyon, mga patakaran ng Kamara, at umiiral na desisyon ng Korte Suprema. Nakatakda pa rin ang mga hearing sa Abril 14, 22, at 29 para sa pagtukoy ng probable cause.

Nauna nang naghain ng Petition for Certiorari and Prohibition ang kampo ni Duterte upang ipahinto ang proceedings. Ngunit ayon kay Luistro, teknikal lamang ang mga isyung inihain at mas mahalaga ang pananagutan sa publiko.

Samantala, inaasahang haharap sa pagdinig sina Ramil Madriaga at Michael Poa bilang mahahalagang testigo, kaugnay ng alegasyong maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds ng DepEd at Office of the Vice President. (report by Bombo Jai)