-- Advertisements --

NAGA CITY- Nakataas na ang red alert status sa probinsya ng Camarines Sur dahil sa banta ng bagyong Auring.

Sa ipinalabas na memorandum ni Governor Migz Villafuerte inabisuhan na nito ang mga Mayor at barangay kapitan na manatiling nakaalerto.

Kinakailangan umanong patuloy ang mga itong mag monitor sa kanilang mga nasasakupan at agad magpaabot ng kanilang report sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council Emergency Operation Center (PDRRMC EOC).

Nabatid na agad na ring ipinagutos ng gobernador ang pagpapatupad ng preemptive evacuation sa mga lugar na nasa high-risk areas.

Kaugnay nito, itinaas narin ang No Sailing Policy sa lahat na sasakyang pandagat sa probinsya.

Sa ngayon kasalukuyang nasa ilalim na ng Tropical Cyclone Warning Signal #1 ang ilang parte ng 4th at 5th Districts ng naturang probinsya kung saan ito ay ang bayan ng Caramoan, Presentacion, Sangay, Buhi, Iriga City, Nabua, Bato asin Balatan.

Samantala kasalukuyan nakakaranas narin ang makulimlim na panahon sa probinsya ng Camarines Sur kung kaya pinag-iingat na ang mga mamamayan na apektado ng naturang bagyo.