Ipinagmalaki ngayon ng Commission on Elections (Comelec) na nagtapos na ang isinagawa nilang Random Manual Audit (RMA) kaugnay sa resulat ng halalan noong nakalipas na May 9.
Iniulat ni Comelec Commissioner Aimee Ferolino, Commissioner-in-Charge ng RMA Committee, natapos nila ng mas maaga o kahapon, June 19, makalipas ang 34 araw mula ng simulan ito noong May 11.
Ayon kay Ferolino, mas maaga daw ito kumpara sa unang itinakda na 45 days na hinihiling din ng batas na maximum days na pagsasagawa ng Random Manual Audit.
Todo rin ang pagmamalaki ng commissioner na batay sa resulta at mabusising pagberipika doon sa mga election returns o vote counting machines lumalabas na ang accuracy rate ng katatapos na halalalan ay nasa 99.95928 percent.
Kaugnay nito, todo naman ang pasasalamat ni Ferolino sa mga naging bahagi ng Random Manual Audit Committee, kabilang na ang mga civil society organizations, Philippine Statistics Authority, mga accountants mula sa PICPA, mga teachers na nagsilbi rin sa RMA.
Batay pa sa report ng Comelec ang random selection ay nagmula sa 757 clustered precincts, kung saan meron tig-isang ballot box sa bawat presinto na isinailalim sa masusing RMA.
Mula sa 757, nasa kabuuang 746 ballot boxes ang natapos na na-audit.
Habang mayroon namang nasa 27 ay hindi na isinailalim sa verification ng Technological Evaluation Committee (TEC) dahil sa mislabeled ballot boxes.
Ipinaliwanag rin ni RMA chairperson Helen Graido na may ilan silang naitalang excluded ballots dahil sa pagkasira ngunit ang mga ito aniya ay maituturing na kabilang pa rin sa allowable margin na kanila naman daw napaghandaan.
Samantala iniulat naman ni Director James Jimenez, Education and Information Department head, na matapos ang pag-audit isasagawa naman ang reverse deployment ng mga ballot boxes na ibig sabihin ibabalik na sila sa kanilang pinanggalingan.