Hindi dapat magtago si Kingdom of Jesus Christ Leader Pastor Apollo Quiboloy dahil senyales ang pagtatago na ikaw ay guilty o nagkasala.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Sherwin Gatchalian, sa pulong balitaan hinggil sa umano’y mga sekswal na alegasyon na ibinabato laban sa religious leader.
Ayon kay Gatchalian, ang pinakamainam na paraan ay respetuhin ang proseso ng imbestigasyon.
Aniya, hindi naman korte ang Senado para magbigay agad ng hatol sa kanya.
Paliwanag ni Gatchalian, ang pagdalo ni Quiboloy sa Senado ay oportunidad din para sa kanya na maipaliwanag ang katotohanan at mabigyan niya ang kanyang sarili ng panahon na masabi sa komite ang kanyang mga nalalaman.
Giit pa ng senador, ang ikinakasang pagdinig laban sa kanya, ay hindi lamang para dinggin ang mga nag-akusa kundi masagot din ng pastor ang mga inaakusa sa kanya.
Kaya naman aniya hindi dapat matakot si Quiboloy dahil ang meron lamang ang Senado ay subpoena para siya ay dumalo sa pagdinig.
Ngunit, kung patuloy itong magtatago, giit ni Gatchalian, mape-pwersa ang Senado at Kamara na makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) para hanapin siya.