VIGAN CITY – Pinaghahanap na sa ngayon ng mga otoridad sa Narvacan, Ilocos Sur ang taong pinaniniwalaang may problema sa pag-iisip na nagbukas ng nitso ng isang namatay na kandidato sa pagka-konsehal noong nakalipas na midterm elections at pitong iba pa.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, maliban sa binuksan ng suspek ang nitso ng namatay na si Barangay Capt. Alex Antolin, inilabas at binuksan din nito ang kabaong at nilagyan pa ng shades ang bangkay.

Kasama sa line-up noong midterm elections ni dating Ilocos Sur Governor-incoming Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson si Antolin ngunit hindi na nito naituloy ang kandidatura matapos itong maaksidente at mamatay.

Ayon naman kay San Antonio, Narvacan Barangay Capt. Darius Comiso, hindi umano ito ang unang pagkakataon na nasangkot sa nasabing insidente ang hindi pa pinapangalanang person of interest dahil dati na umano itong nahuli ngunit pinakawalan din dahil walang matibay na ebidensiya na magpapatunay sa ginawa nito.

Kaugnay nito, labis naman ang hinagpis ng pamilya ng namatay na kandidato sa pagka-konsehal dahil anila, hindi na umano iginalang ng suspek ang kanilang yumaong kamag-anak.