-- Advertisements --
PCol Romeo Caramat
PCol Caramat

Sugatan ang isang pulis matapos umanong manlaban sa mga tauhan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa isinagawa nitong operasyon sa Pampanga.

Ayon kay PNP-IMEG Director, P/Col. Romeo Caramat Jr., nagsagawa sila ng entrapment operation laban kay P/Cpl. Joeton Samson na nakatalaga sa Mabalacat City Police Station at jailer ng Pampanga Police Office.

Sinabi ni Caramat, nanlaban daw si Samson nang hulihin siya ng mga tauhan ng IMEG nitong Martes ng umaga sa McArthur Highway, Barangay Maimpis, San Fernando City

Nakatanggap kasi ng impormasyon ang IMEG hinggil sa ginagawang pangongotong ni Samson ng P150,000 sa isang complainant kapalit ng pag release ng kotse nito na impound sa isang drug operation.

Paliwanag ni Caramat, mabilis na tumakas si Samson sakay ng kaniyang kotse matapos tanggapin ang marked money kaya hinabol siya ng mga pulis at pinaputukan ang gulong ng kaniyang sasakyan.

Pero imbes na sumuko pinaputukan ng suspek ang mga operatiba na gumanti ng putok at tinamaan sa kaliwang balikta si Samson na isinugod naman sa Lingad Memorial Hospital.

“Luckily he is in a stable condition according to his attending physician.. nag attempt siya na tumakbo gamit ang kotse niya at gusto pang sagasaan ang mga arresting officer natin,” pahayag ni Caramat.

Sasampahan ng patung patong na kaso si Samson gaya ng robbery extortion plus attempted homicide bukod sa kahaharapin nitong administrative case.

Samantala, naaresto naman ng PNP-IMEG si P/SSgt. Alejandro Cruz sa loob mismo ng Station 5 ng Manila Police District (MPD).

Nakatanggap kasi ng reklamo ang IMEG na mayroong standing warrant of arrest si Cruz dahil sa kasong kidnapping and serious illegal detention noon pang 2015.

Ipinagtataka naman ni Caramat kung bakit hindi hinuhuli si Cruz.

“Matagal tagal na po ito kaya nagtataka po kami kung bakit 2015 pa naisyu itong warrant of arrest e hindi pa nahuhuli at nagdu duty pa itong pulis na nahuli namin,” ani Caramat.