NAGA CITY – Sugatan ang isang pulis na nagbabantay sa checkpoint matapos araruhin ng isang cargo truck ang barikada sa Maharlika Highway, Brgy. Mambulo Nuevo, Libmanan, Camarines Sur.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), nabatid na binabaybay ng truck driver na si Christoper Cortez, 29, ang kahabaan ng kalsada sa naturang lugar ngunit pagdating sa quarantine control point inararo ng naturang truck ang barikada na nakaharang sa lugar.

Kaugnay nito, tinamaan ang isa sa mga pulis na naka-assign sa lugar na si Cpl. Jhoel Cangayo na nagtamo ng sugat sa katawan at agad ding itinakbo sa ospital.

Sa ngayon nananatili na sa kustodiya ng mga otoridad ang driver at ang dalawang pahinante ng cargo truck.

Samantala, tiniyak naman ng mga opisyal na mahigpit ang kanilang pagbabantay lalo na sa mga papasok at lalabas sa nasabing bayan.