-- Advertisements --

KALIBO, Aklan- Namatay habang ginagamot sa ospital sa bayan ng Kalibo ang isang police officer matapos na maaksidente ang minamaneho nitong motorsiklo sa national highway na sakop ng Sitio Cabcaban, Barangay Fulgencio, Balete, Aklan.

Kinilala ni P/Cpl. Bryan Lebuna ng Balete Police Station ang nasawi na si Patrolman Genesis Javil, residente ng Cumboranan, Tapaz, Capiz habang sugatan naman ang kasama nito na si Patrolman Michael Jay Handoy ng Dumarao sa nasabing probinsya.

Ang dalawa ay papunta sa Station 2 ng Malay Police Station kung saan sila kasalukuyang naka-assign nang bigla na lamang nawalan ng kontrol sa minamaneho nitong motorsiklo ang biktima.

Nagkaroon ng iba’t ibang sugat sa katawan ang dalawa kung saan, ininda ni Javil ang pananakit ng tiyan kaya kaagad itong nagpadala sa ospital.

Ngunit makaraan ang ilang oras na gamutan ay idineklara siyang patay na ng nag-asikasong doktor.

-- Advertisement --

Ang insidente ay patuloy pang iniimbestigahan ng Balete PNP.