TACLOBAN CITY – Patay ang isang pulis matapos barilin ang kanyang sarili sa hallway ng isang hotel sa Catarman, Northern Samar.

Nakilala ang biktima na si Patrolman Willard Castillo, 27-anyos, nakadestino sa Northern Samar Police Provincial Office.

Ayon kay Pol. Maj. Eddie Esidera, Chief of Police ng Catarman Police Station, nag-check-in sa naturang hotel ang biktima kasama ang kanyang ama at nagpaalam ito na may bibilhin.

Pero matapos lang ang ilang minuto, ay nakarinig na sila ng putok ng baril galing sa hallway.

Nang tignan ito ng mga staff, tumambad ang duguang biktima kung saan binaril nito ang kanyang kanang sentido.

Lumabas naman sa imbestigasyon na na-diagnose na may depresyon ang biktima bago niya barilin ang kanyang sarili.

Walang nakikitang foul play ang mga otoridad sa insidente.