-- Advertisements --

Tuluyang sinibak sa puwesto ang isang pulis na nagpaputok ng baril at nakabangga pa ng sasakyan sa Dasmariñas, Cavite.

Ayon kay Dasmariñas City Police Chief, Lt. Col. Abraham Abayari, agad siyang nagdeploy ng SWAT (Special Weapons and Tactics) police sa lugar para rumesponde.

Kinilala ni Abayari ang naarestong pulis na si Police Staff Sergeant Ismael Dulin, miyembro ng Warrant Section ng Dasmariñas Police.

Nabatid na wala namang nagtamo ng sugat sa insidente, at nagkasundo na ang dalawang may-ari ng sasakyang nakabanggaan ng pulis.

Gayunman, dinisarmahan ng Dasmariñas Police si Dulin, inalis sa puwesto at kinasuhan.

Hindi na nagbigay pa ng pahayag ang nasabing pulis.

Una rito, nag-viral sa social media ang insidente kung saan makikita sa cellphone video ang isang dark gray na kotseng may nakabangga rin na isang kotse sa kabilang lane.

Ilang saglit pa, umusad na ang kotse kaya hinabol ito ng mga residente ang kotse at ilang miyembro ng Tricycle Operators and Drivers’ Association.

Nauwi ang panghahabol sa pagkuyog at pamamato sa sasakyan.

Dito na bumaba ang driver ng dark gray na kotse at nagpaputok ng ilang beses.

Lumabas sa imbestigasyon na nagkasabitan sa isang kanto ang sasakyan ng pulis at dalawa pang sasakyan.

Depensa ni Dulin, itatabi lang niya ang kaniyang kotse at wala siyang balak tumakas pero nang pagbabatuhin, kuyugin at tamaan ng malalaking bato, napilitan siyang magpaputok ng baril para ipagtanggol ang sarili.