Saludo at todo ang pasasalamat ng pamilya Gregorio sa naging desisyon ng Paniqui Regional Trial Court (RTC) Branch 106 matapos hatulang guilty sa dalawang bilang ng life imprisonment ang pulis na si Sergeant Jonel Nuezca.
Kung maalala, Disyembre 20, 2020 nang pagbabarilin ni Nuezca ang nakaalitang kapitbahay na sina Sonia Gregorio at anak na si Frank Anthony.
Ayon kay Atty. Freddie Villamor, abogado ng pamilya Gregorio naging mabilis ang pagdedesisyon sa kaso na tumagal lamang ng walong buwan mula nang naganap ang insidente noong nakaraang taon.
Sinentensiyahan ito ng reclusion perpetua o hanggang 40 taon na pagkakakulong para sa bawat bilang ng pagpatay.
Pinagbabayad din si Nuezca ng P952,560 sa pamilya ng biktima.
Naniniwala si Atty. Villamor na malakas ang kanilang ebidensiya kaya naman naipanalo nila ang kaso.
Sa panig naman ni Nuezca, sinabi ng abogado na mababaw lamang ang kanyang naging rason na nagdilim lamang ang kanyang paningin kaya niya nagawa ang krimen kaya niya pinagbabaril ang mag-ina kaya hindi niya nakumbinsi ang korte.
Dagdag ng abogado, malakas din ang kanilang ebidensiya dahil sa video ng pagpatay na naging viral pa sa social media.
Nag-ugat ang shooting incident sa pagpapaputok ng PVC cannon o boga sa panig ng pamilya Gregorio.
Pero una nang may alitan ang magkabilang panig dahil na rin sa awayan sa right-of-way sa kanilang ari-arian.
Maliban sa brutal na pagpatay, una na ring humaharap sa kasong homicide, anim na kaso ng grave misconduct.
Na-demote na rin ito dahil sa robbery at extortion charges.