LAOAG CITY – Patay ang isang pulis matapos binaril sa road rage sa Barangay Santiago, Marcos, Ilocos Norte.

Nakilala ang biktima na si Police Corporal Wilbert Rarogal Jr., 32-anyos na taga-Barangay Santiago sa bayan ng Marcos, pero kasalukuyang nakadestino sa Ifugao.

Ayon kay Police Capt. Johnveil Maramag, chief of police sa bayan ng Marcos, nagmula sa isang lamayan ang grupo ni Rarogal sakay ng isang tricycle nang muntik umanong nasagi ng isa nilang kasama ang motorsiklo lulan si Barangay Chairman Jimmy Pablo sa Barangay Cacafean sa parehong bayan.

Dahil dito, tumigil ang dalawang sasakyan kung saan nag-usap ang biktima at punong barangay, pero bigla na lamang daw binaril ng angkas ni Pablo ang nasabing pulis na natamaan ng dibdib nito at tumagos sa kanyang likod.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen nag 14 kapsula at isang bala ng 9mm pistol, at ang 9mm na baril ng biktima.

-- Advertisement --

Sinabi ni Maramag na tumanggi ang punong barangay na pangalanan ang kanyang kaangkas at iginiit na hindi niya ito kilala.

Dahil dito ay siya ang sasampahan ng pulisya ng kasong murder, apat na bilang ng kasong attempted murder, at paglabag sa Omnibus Election Code.