Hindi dapat mag-panic ang publiko kasunod ng may naitalang Delta variant ng COVID-19 sa bansa dahil may nakalatag ng plano ang pamahalaan ukol dito.
Ito ang binigyang-diin ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano.
Ayon sa kalihim ang mga local government units at PNP ang siyang magpapatupad ng lahat ng batas, ordinansa, IATF guidelines at community quarantine protocols para matiyak ang kaligtasan ng mga tao at mapigilan ang pagkalat ng nakakahawang Delta variant.
Naniniwala si Ano na maiiwasan at mapigilan ang pagtaas ng COVID-19 Delta variant kung hihigpitan ang border control lalo na sa mga international airports at seaports o pantalan sa bansa.
Mahigpit din ipatutupad ng mga local chief excutives ang agresibong mass vaccination strategy gaya ng mabilis na testing, tracing, contact tracing at isolation sa mga pasyenteng infected ng virus.
Magkakaroon din ng pagtaas ng bilang ng mga quarantine, isolation at health care facilities.
Inatasan na rin ng DILG ang mga LGUs na maghanda ng strategic plans sa posibilidad na magkaroon ng local transmission ng mapanganib na Delta variant.
Apela ni Ano sa publiko istriktong sundin ang minimum public health standards dahil ang COVID-19 delta variant ay hindi nadi detect ng ordinary testing at maaaring ma-trace sa pamamagitan ng “genome sequencing’’.
Sinabi ng kalihim ang COVID-19 Delta variant ang nakikitang sanhi sa pagtaas ng kaso sa ibang bansa katulad ng India at Indonesia.
Ipinunto rin nito na ang mga bansa gaya ng United Kingdom, Australia at Malaysia ay kasalukuyang nagpapatupad ng lockdowns para maiwasan ang transmission at infection sanhi ng COVID-19 delta variant.
Sa ngayon mayroong 28,598 quarantine facilities nationwide available para sa COVID-19 patients at may 25,989 COVID-19 vaccination action plans na isinumite ng mga LGUs.