Maaaring masilayan ng mga fans ng beteranang aktres na si Amalia Fuentes ang labi nito sa huling pagkakataon.
Batay umano sa detalyeng inilabas ng pamilya ng 79-year-old former movie queen, kagabi nang ibinurol sa Arlington Memorial Chapels & Crematory sa Quezon City ang labi nito.
Dito ay nagkaroon ng private family viewing, habang ngayong Linggo, October 6, dadalhin ang labi nito sa Mt. Carmel Shrine sa Doña Juana Avenue, New Manila, Quezon City para sa public viewing.
Sinasabing malapit lang ang Mt. Carmel Shrine sa tahanan ni Amalia sa Magdalena Rolling Hills.
Magsisimula ang public viewing mula alas-7:00 ng gabi hanggang alas-12:00 ng hatinggabi.
Bukas, Lunes, ganap na alas-1:00 ng hapon hanggang 12 midnight naman ang oras ng public viewing. Isang banal na misa ang idaraos ng pagsapit ng alas-7:30 ng gabi.
Samantala, napagkasunduan daw ng naulilang pamilya ni Amalia na ihatid ito sa kanyang huling hantungan sa Martes, October 8, pero hindi pa nabanggit kung saang libingan.
Magkakaroon muna uli ng misa sa Mt. Carmel Shrine ganap na alas-8:00 ng umaga bago dalhin si Amalia sa kanyang final resting place.
Kahapon ng umaga nang sumakabilang-buhay ang itinuturing na isa sa mga reyna ng pelikulang Pilipino dahil sa multiple organ failure.
Noong kasikatan ni Amalia Fuentes ay binansagan siyang “Elizabeth Taylor of the Philippines” at isa sa “most beautiful face of the Philippine cinema.”
Siya rin ang unang tinaguriang “Filipino Lux Soap model.”
Si Amalia ay ipinanganak sa Naga City noong August 27, 1940 at ang mister niya ay si Romeo Vasquez.
Kapatid naman nito sina Alvaro Muhlach (ama ni Aga) at Alexander Muhlach.
Ang mga naging anak ni Amalia ay sina Liezel Martinez at Geric Stevens.
Matapos ang divorce kay Vasquez, naging asawa niya si Joey Stevens, isang American businessman kung saan meron silang adopted son na si Geric.
Nakipag-divorce siya kay Stevens makaraan ang 28 years of marriage.
Si Fuentes na dating miyembro ng Movie and Television Review and Classification Board ay naging bahagi sa umaabot na sa 130 mga pelikula.
Naging producer din siya at gumanap sa sariling pelikula noong dekada ’60 hanggang dekada ’70.
Kabilang na ang productions ng Viva Films na “My Only Love” kasama sina Sharon Cuneta, Gabby Concepcion at Jackie Lou Blanco.
Naging tampok din siya sa Regal Films na “Asawa Ko Huwag Mong Agawin” na ang bida ay si Vilma Santos, Eddie Guttierrez at Gabby Concepcion.
Tinanghal naman siya noong 1967 bilang Best Actress sa FAMAS Award sa pelikulang “Whisper to the Wind” (1966).
Ilan pa sa kanyang mga naging pelikula ay ang mga sumusunod, Dirty Games (1981), My Only Love (1982), Indecent Exposure (1983), Paano Ba Ang Magmahal? (1984), Asawa Ko Huwag Mong Agawin (1987), Higit Na Matimbang Ang Dugo (1990), Reputasyon (1996), Kahit Isang Saglit (2008), Huwag Ka Lang Mawawala (2013) at marami pang iba.