-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA) na wala itong mahanap na birth, marriage, o death records para sa mga pangalang “Mary Grace Piattos,” “Kokoy Villamin,” at “Milky Secuya,” na umano’y nakatanggap ng confidential funds ng Office of the Vice President.

Sa pagdinig ng House Committee on Justice, sinabi ni PSA assistant national statistician Marizza Grande na tanging ang pangalang “Irene Tan” ang may tumugmang rekord, ngunit ito ay karaniwang pangalan na may maraming kaparehong entries sa database.

Ayon sa PSA, ang iba pang pangalan ay “negative record” o walang umiiral na dokumento sa kanilang sistema.

Ang mga pangalang ito ay lumitaw umano sa mga resibong isinumite sa Commission on Audit bilang suporta sa confidential fund expenses ng OVP noong 2022.

Nauna nang kinuwestyon ng ilang mambabatas ang mga pangalan at nag-alok pa ng pabuya sa sinumang makapagtuturo sa pagkakakilanlan ng “Mary Grace Piattos,” na pinagdududahang hindi totoong tao dahil katunog nito ang pangalan ng isang sikat na restaurant at chichirya.

Samantala, nauna naman nang sinabi ng kampo ng Bise Presidente na maaaring alyas o pseudonym lamang ang naturang mga pangalan.