CAUAYAN CITY – Isinailalim sa tatlong araw na temporary closure ang Provincial Capitol ng Nueva Vizcaya dahil sa pagpositibo sa COVID-19 ng ilang opisyal at kawani ng pamahalaang panlalawigan.
Batay sa kautusan ni Governor Carlos Padilla, ang temporary closure ay ipinatupad simula ngayong Lunes, April 5 hanggang April 8, 2021.
Isinailalim sa home quarantine ang mga empleyado at ipinagbawal ang recreational activities simula kahapon hanggang sa Abril 11, 2021.
Ang kautusan ni Governor Padilla ay batay sa rekomendasyon ng Provincial Integrated Health Office upang mahadlangan ang maaaring hawaan sa mga kawani, kanilang pamilya at mga mamamayan na magtutungo sa Panlalawigang Kapitolyo.
Kabilang sa mga nagpositibo si Vice Governor Jose Tomas Sr. na patuloy na nagpapagaling sa isang ospital.
Isasagawa ang disinfection activity sa gusali at ilan pang pasilidad sa capitol compound at malawakang contact tracing sa mga empleyado na may direct contact sa mga kawaning nagpositibo sa COVID-19.
Pinahintulutan ang skeleton work force sa mga tanggapan ng Nueva Vizcaya Provincial Hospital, Provincial Jail, Security Division, Provincial Disaster Risk reduction and Management Office (PDRRMO) at Bureau of Fire Potection (BFP).