-- Advertisements --

Posibleng maiproklama na bukas o sa Biyernes ang mga nanalong mga partylist groups kasunod ng matagumpay na special election sa Lanao del Sur kahapon.

Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Acting Spokesperson John Rex Laudiangco na ito ay kung matatapos na ang canvassing ng komisyon na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC) sa certificate of canvass ng mga botong mula sa Tubaran sa naturang probinsiya.

Inaaral daw ng komisyon kung puwedeng minsanan na ang proklamasyon ng 63 partylist group.

Iginiit nitong may time table daw para sa pagbibilang ng boto kayat hindi kaagad makakapagproklama ang komisyon ng mga nanalong partylist groups.

Titignan naman daw ng komisyon kung hindi na makakaapekto sa pagkakasunod-sunod ng mga partylist groups ang 1,991 na boto mula sa Shanghai sa China.

Kung sakaling hindi na ito makakaapekto sa ranking ng mga partylist groups ay hindi na raw ito hihintayin ng Comelec para i-canvass.