-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nais ng Santiago City Police Office na palakasin pa ang kanilang programang kabataan kontra Illegal na droga At terorismo (KKDAT).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Reynaldo Dela Cruz, City Director ng Santiago City Police Office, sinabi niya na sa mga nakaraang operasyon ng kanilang tanggapan kapansin pansin na madalas sa kanilang nadadakip ay mga kabataan o menorde edad.

Aniya patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa tanggapan ng City Social Welfare and Development para sa psychological counseling ng mga kabataang nadadakip.

Ngayong araw nakatakdang pangunahan ng SCPO ang isang pagpupulong kasama ang mga Punong Barangay ng Lungsod.

Batay sa talaan ng SCPO nasa humigit kumulang 20 kabataan ngayong taon ang nadakip dahil sa pagkakasangkot sa illegal na droga pangunahin na ang paggamit ng marijuana.

Ang mga nadadakip na kabataan ay kadalasang dinadala sa Balay Sagipan o Boys Town na matatagpuan sa Barangay Balintocatoc, Santiago City.