Kinumpirma ni outgoing Senate president Vicente “Tito” Sotto III na nakipagpulong ito kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para pag-usapan daw ang mga panukala para sa rehabilitasyon ng mga drug users.
Sinabi ni Sotto na iprinisinta raw niya sa kanyang mga Senate colleague ang kanyang “Drug Abuse Prevention and Correct Rehabilitation” program.
Sinabi ni Sotto na kaya raw niyang tulungan si Marcos sa pamamagitan ng kanyang “consultative” capacity.
Tiniyak din nito na suportado niya ang drug abuse prevention at rehabilitation.
Aniya, layon daw ng naturang programa na mapigilan ang illegal drug abuse sa pamamagitan ng resistance education program sa ika-lima hanggang ika-pitong grade na kasali sa tinatawag na vulnerable age.
Dagdag niya, nais din niyang magkaroon daw ng constant seminars, programs at conferences kasama ang parents, teachers, media simbahan, sports personalities at ang general public.
Ipinunto nitong ang tamang drug rehabilitation program ay mayroon daw dapat ang lahat ng uri ng approaches para sa bawat drug dependent.
Kabilang na rito ang therapeutic, faith-based at multidisciplinary activities na kanilang ibinase sa United States-based 12-step program Minnesota addiction recovery.
Base sa program website, ang model ay unang ginamit sa state mental hospital noong 1950s at ito ay naka-focus sa abstinence sa illegal substances.
Bawat treatment program ay nakadisenyo para sa pangangailangan ng bawat pasyente para matugunan ang specific issue sa kanilang addiction.
Kung maalala, noong campaign period, sinabi ni Marcos nan palalawakin pa nito ang drug rehabilitation facilities sa mga probinsiya at nangakong tutugisin ang mga big-time drug dealers.
Si Sotto na siya ring head ng Dangerous Drugs Board mula July 2008 hanggang November 2009 ay kilala rin bilang author ng Republic Act (RA) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa pamamagitan ng RA 9165 ay nabuo rin ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na siyang lead agency sa pagpigil, pag-iimbestiga at ang paglaban sa mga dangerous drugs at related illegal activities.