-- Advertisements --

Aabot sa mahigit 20 barkong pandigma ng China ang namataan ang presensya pa rin sa bahagi ng West Philippine Sea. 

Ito ang kinumpirma ni Philippine Navy Spokesperson Commodore Roy Vincent Trinidad sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw sa Camp Aguinaldo sa Quezon City. 

Aniya, batay sa kanilang naging monitoring ay tinatayang nasa 15 hanggang 25 Chinese warships ang nakitang paikot-ikot sa Mischief Reef malapit sa Ayungin Shoal.

Bukod dito ay mayroon ding namataang 200 Chinese militia vessels ang nakadeploy sa paligid ng Mischief Reef. 

Samantala, gayunpaman ay hindi pa rin nababahala ang AFP sa presensyang ito ng mga barko ng China sa WPS. 

Ito ay sa kadahilanang nananatiling sapat ang mga naval asset ng pamahalaan para magpatrolya at igiit ang soberanya nito sa nasabing karagatan.

Paliwanag pa niya, handang gumastos ang AFP para mapanatili ang external security ng Pilipinas at matiyak na malayo ito mula sa anumang tangkang pananakop ng ibang bansa

Kasunod nito, muling iginiit ni Trinidad na ang WPS ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at hindi nila kailangang humingi ng permiso sa alinmang bansa.