Sa kabila ng umuugong na panawagan na patalsikin sa kaniyang pwesto si outgoing President Donald Trump ay pinaplano pa rin daw nito na ituloy ang kaniyang official duties.
Kasama na rito ang diplomatic outreach, transition activities at planong pagpunta sa U.S.-Mexico border.
Ito raw ang naisip ni Trump na gawin habang hinihintay matapos ang 10 araw bago pormal na umupo bilang pangulo ng Estados Unidos si President-elect Joe Biden.
Ayon sa ilang sources mula sa kampo ni Trump, wala umano itong balak bumaba sa kaniyang pwesto at hindi rin daw ito nakakaramdam ng pressure na mag-resign.
Sa ngayon ay wala pang pormal na inilalatag kay Vice President Mike Pence upang gamitin ang 25th Amendment para patalsikin ang Republican president.
Naging kapansin-pansin din sa publiko ang tila silent treatment ni Pence kay Trump makaraan ang nangyaring paglusob sa Capitol Hill ng mga taga-suporta nito.
Hindi raw kasi nagawang tawagan ni Trump ang bise presidente upang siguruhin na ligtas ito o ang kaniyang pamilya mula sa kaguluhan.
Samantala, nakiisa na rin si Republican Sen. Pat Toomey ng Pennsylvania sa panawagan na magbitiw sa pwesto si Trump dahil na rin sa nangyaring riot sa Capitol Hill.
Kung siya raw kasi ang tatanungin ay mas makakabuti na bumaba na lang nsa pwesto ang Republican president dahil 10 araw na lang naman ang kaniyang hihintayin.